Ilan beses na natin naririnig sa mga palabas sa TV na sa bawat kanto yata sa Pilipinas eh may basketball court. Pero ngayong Araw ng mga Puso, mukhang tinalo ng mga flower stands ang mga basketball court. Kahit saan ka mapabaling ngayon, may makikita kang nagbebenta ng bulaklak: totoo man o hindi, glow in the dark man o de-baterya yung ilaw.

Ika nga nila, nag-blossom ang bentahan ng bulaklak ngayong araw na ito dahil sa Valentines day. Who knows, baka dumami ang supply ng mga nagtitinda ng bulaklak dahil marunong na rin sila mag-cloning kagaya ng ginawa kay Arnold Swar…Shwar…Shcwer…ah basta si Arnold doon sa isang pelikula niya. O di kaya, ninanakaw lang nila yung supply ng katabing stall nila.

Buti sana kung sa mga flower shops at stalls ka lang makakakita ng bulaklak. Eh kaso, maya’t maya, makakakita ka ng magkasintahan na nilalanggam na sa sobrang pagka-sweet nila sa isa’t isa at may karga pa silang bouquet ng bulaklak na kamukha nang binibigay sa mga artistang iniinterview sa showbiz talk shows (alam mo feeling ko, iisang bouquet lang yun, binabalik lang nung artista para magamit next week. Hehehe).

Habang nagkakaroon ang mga mag-jowa na ito ng crash course sa Human Anatomy dahil sa wala silang paki-alam kung saan gumapang ang mga kamay nila kahit na i-document mo pa ang ginagawa nila, hindi ko malimot maisip yung mga bulaklak na ibinigay ng mga lalake sa babae (or pwede din baliktad). May pinagkagastusan, may hindi gaano, may pinilit lang bilhin para may maibigay at may parang kinuha lang sa flower garden sa bahay.

Pero, hindi naman yun ang halaga ng bulaklak di ba. Mas mahalaga na napatunayan mo na naaalala mo ang significant other mo sa espesyal na araw na ito. Kahit nga siguro gumawa ka lang ng graphics ng bulaklak sa text eh matutuwa na siya doon eh. At least yun hindi pa malalanta.

As in, nagmistulang flower garden sa mga lugar na dinaanan ko dahil sa dami ng flowers. Kung pwede nga lang eh doon ka na lang magpa-educational field trip tungkol sa mga bulaklak. At thank goodness, hindi umatake ang mga bubuyog sa mga oras na iyon (bakit hindi? Kasi may free screening ng Bee Movie sa mga colony nila bilang Valentine date movie ng mga sweet na bubuyog. Hehehe).

Pero napagtanto ko (and yes, natulala ako ng ilang sandali habang nag-iisip. Na-picture mo itsura ko? Hehehe), bakit kailangang bulaklak ang ibigay? Or chocolates? Or chocolates na korteng flowers? Or flowers na kulay chocolates? (di ba pang-patay to. Hehehe). Naalala ko tuloy yung sinasabi ng mga feminists noon na kaya bulaklak ang binibigay eh mensahe daw ito na gustong makuha ng guy yung ‘flower’ (yes, that one) ng girl. Hmm, maybe there’s some truth to that. Kaya lang, paano mo ipapaliwanag yung batang estudyante na sa sobrang bait eh nagbibigay siya ng bulaklak kay teacher. Ganun din ba yun? Oh well…

Pero yun nga, sa dinami-dami ng bagay sa mundo, bakit flowers? Bakit hindi na lang natin sila hayaan mamuhay para makanta pa rin natin ang “Who made all the flowers that bloom, flowers that bloom, flowers that bloom. Who made all the flowers that bloom. God from heaven above!”. Bakit din chocolates? Hay naku, kung symbolism lang ang paguusapan, maraming bagay ang mas makakapag-represent ng love mo, ano! Ano ang mga ito, heto:

  • Arinola – Ito ang pinakamalupit na regalong pam-pag-ibig na pwede mong ibigay. At anung ibig sabihin nito? “Tatanggapin kita kaya malaman at saluhin ko pa ang baho mo.” Oh di ba, through good times and bad times, mapapatunayan mong nandiyan ka sa tabi niya kapag arinola ang binigay mo.
  • Jigsaw Puzzle – Sana, picture ng puso o ng ‘I Love You’ ang mabubuo kapag binuo niyo nga ang puzzle. At sana naman, hindi ito yung mga 5000 pieces na puzzle dahil baka hindi pa niya tapos ito eh break na kayo. At ano naman ang meaning nito? “Ikaw ang bumubuo ng buhay ko.” Sana lang at walang mawalang piece so konting ingat sa pagbuo.
  • Boomerang – Para sa mga nagtataka kung bakit nasama ito, isipin niyo na lang ang nagagawa niya. Oh di ba bumabalik siya. Therefore, swak ang regalong ito sa mga jowawie de guzman na nangaliwa o nang-two time noon at nais bumalik sa kanyang true love. At gaya ng boomerang, nais niya ipahiwatig na “Saan man siya pumunta, ikaw pa rin ang babalikan niya”. Oh, how sweet! Pero sana lang eh hindi ka tamaan ng boomerang sa mukha at for sure, mapapalitan ng karahasan ang sweetness niyo.
  • Panungkit – No, hindi ito para sa mangga na pinaglilihian niya (Hala, tes-bun na! Bilis mo bro!?). Um, medyo mahirap siya ipaliwanag pero kailangan mo ng konting dialogue para dito kasi ang meaning nito eh “Aabutin niyo ng sabay ang inyong mga pangarap, gaano man ito kalayo.” Oh saan ka pa! Kaya lang, sana mga pangarap nga ang masusungkit niyo at hindi yung mga sinampay ng kapitbahay. Grabe ka naman, may ukay-ukay naman para sa mga ‘bagong’ damit mo.
  • Flashlight – Gaya ng linya sa isang kanta ng Rivermaya: “Ako ang iyong liwanang sa dilim”. So sa mga oras ng kalungkutan, alam niya na nandiyan ka para paagangin ang pakiramdam mo. Kung gusto mo magpa-impress ng todo todo sa loved one mo, magtayo ka ng lighthouse at ibigay mo. At kung meron ka nga nito, sana may generator ka dahil baka maapektuhan ka pa ng mga power interruption ng Meralco.
  • Pacencia – Oo, pacencia, yung kinakain. Pwedeng-pwede ito sa mga nanliligaw na matagal nang naghihintay. Simbolo ito na “may pasensya ka para hintayin ang kanyang matamis na oo”. Teka, matamis, eh paano kung Charantia user yung prospect mo? Eh di mapakla na oo? Hehehe. Nga pala, isang balot ang ibigay mo ha para may makain naman siya habang hinihintay niya ang pag-alis mo sa bahay nila.
  • Sunshine – Kung wala ka talagang budget kahit para sa kahit anung nasa taas (in short, wala ka talagang pera), pwede na ang sinag ng araw bilang tanda ng iyong pag-ibig. Pero teka, hindi mo ilalagay sa isang bote ang sinag ng araw ah. Ganito ang gawin mo: gisingin mo siya ng maaga tapos ipakita mo yun sinag ng araw. Tapos, kantahin mo yung kanta ng Aegis na may linyang “sing sarap ng wine, sing tatag ng sunshine!” Oh di ba, astig pare koy, hapi hapi tayo diyan mga tropa! (Jologs? Hehe).
  • Mga magasin tungkol sa pagkain – Ang understatement, “Sa sobrang sarap ko magmahal, tiyak mabubusog ka”. Pumili lang ng tamang magasin na ibibigay ah. Baka kasi vegetarian siya at ang maibigay mong magasin eh San Pablo Meat Shop pa ang nag-publish. O baka naman Muslim siya at ang maibigay mong magasin eh may pamagat na “Masarap ba ang baka? Baka nga!” Hehehe.
  • Sako ng semento – Kung hindi pa niya ma-gets na gusto mong sabihin na matatag ang pag-ibig mo para sa kanya, maghanap ka na ng makakatuluyan mo na kapantay mo ang wavelengths ng utak. Mahirap yun kapag nagkataon. Isipin mo, sa breakfast table, nagdi-discuss ka sa politics at ang masasabi na lang niyang komento eh “Ang sarap ng coffee, ano?” Kapag nagkataon, ang sarap niya isemento ano? Hehehe.
  • Love Stubs – Simple lang ito, kumuha ka ng magandang papel tapos hati-hatiin mo into stubs. Tapos, sa bawat stub maglagay ka kunwari ng ‘free kiss’ or ‘free massage’ or kung ano pa na makapagpapatunay na love mo nga siya. Tapos, ibibigay niya sa iyo yung stub kung gusto niya i-claim. Oh di ba, bongga! Teka, seryosong payo yata yun ah? Pano nasali dito yun? Oh well, ayan may idea ka na ha. Don’t forget to thank me, in the form of load. hehehe, kapag naging epektib ah. Hehehe.

Ay, ang sweet nila oh. Nakakainggit sila. Sana may valentines din ako. Ay wait, bakit biglang sinampal ni girl si guy. Hala, hindi pala nag-toothbrush si manchurian candidate at bet pa niya makipag-lapchesan. Kapal! At tignan mo, flowers din ang binigay ni guy. Ano ba yan, walang originality. Sulat ko kaya sa papel ang link nito? Ay wag na, baka gamitin lang niyang pantanggal ng tinga eh. Hehehe.

Babushka Major!