Maraming gumugulo sa isip ko ngayon. Sa sobrang gulo nila, para silang mga germs na naglalaban-laban na makikita mo sa tuwing sign-off na ang TV station. Hehehe. Hindi ko alam kung ano ang ilalagay ko dito. Dito ba, o dito ba, dito baaaahhh! Dito ba ang sulok kong chever sa ilalim ng araw. Ok Lawrence, calm down, use your soothing words: Prada, Gucci, Nathaniel, Kofung, Ramboo! Now I feel better! Are you?

Ayun, maalala ko lang, ang saklap naman ng kapalaran ng pamilya Aquino ngayon. Nandyan si Madam Cory na may colon cancer (Doc, matanung ko lang, meron po bang semi-colon cancer? Hehehe) sa colon siyempre. At para sa mga hindi nakakaalam kung saan ang colon, hindi siya another term sa Kowloon West ah. Sus kung may cancer doon, kawawa naman ang mga Pilipinong fans ng Kowloon. Basta, nasa katawan ang colon, you just have to find it, cherish it and value it. Hehe.

Tapos, may balita pa na nakunan daw ng baby si Kris? Nakunan? As in, kinuha yung baby niya sa nursery dahil akala ni Jackie Aquino na nanganak daw kasabay ni Kris eh sa kanya yung “Baby Aquino” na banlag ang mata (ayan, alam niyo na kung kanino nagmana ah. Hehehe). Siyempre, hindi yan ang ibig sabihin ng nakunan at hindi rin nakunan as in napagpalit tulad nila Mara at Clara (Mara, Clara, ikaw ako ngayon at ako’y ikaw! Katotohana’y di pa natatanaw! Bonus points para sa makapagsasabi kung sino ang kumanta niyan. Hehehe)

Bakit naman sa kanila nangyayari ang mga ito? Hoy ah, hindi ko sinasabi na sa akin mangyari ang mga yan (lalo na ang makunan dahil sa pagkakaalam ko eh lalake ako. Hehehe). Una, nabaril si Ninoy. Tapos, colon cancer si Cory. Tapos, nakunan si Kris. Huwag niyong sabihin na makukunan din si Noynoy balang araw ah…or tuluyan na siyang iwan ang iilan niyang kaibigang buhok sa anit. Hehe.

Pero kung may nais man sabihin sa atin ang mga kaganapang ito, heto yun: walang ligtas sa mga sakit o disgrasya. Kahit sobrang yaman mo tulad ni Kris na hindi pa yata nag-uulit ng damit simula noong tinatawag pa siya ni Tita Fanny Serrano na Kristeta sa “Luv Ko Si Kris”. As in, mapa-Deal or No Deal, The Buzz o Boy and Kris man yan, hindi pa yata siya nag-ulit. Hmmm, siguro may patahian sila sa Blumentritt ano? Hehehe.

Kaya mag-ingat tayong lahat. Ang sakuna ay hindi parang isang bisita na dumo-doorbell lang sa labas ng gate at kapag naaliw siya sa tunog ng doorbell niyo na “Lambada” eh uulit siya ng beep. At ang tanda na lang ng lambada, masabi ko lang. Hindi natin alam, baka tayo na ang mabunot ng DTI representative sa pa-raffle ng sakit. Kung mangyari man yun, huwag kayo maglagay ng proof of purchase para i-forfeit nila ang entry mo at hindi ka manalo. Hehe.

At yaman din lamang na nabanggit ang Cancer, heto ang Horoscope ko para sa inyo dahil para sa’yo ang laban na ‘to. Kaya anumang laban ang iyong hinaharap, bakit hindi mo subukan talikuran for a while at baka doon ka pa manalo. Hehe.

  • Cancer – No, wala kang Cancer. Pero meron kang UTI. Grabe naman, hindi ka ba natutong mag-“May I Go Out?” noong nag-aaral ka pa? Hayan, sa kapipigil mo, pumanghi na yung mga organs mo sa katawan. Lucky number, three. Lucky color, blue. At talagang may lucky color at number ka pa rin despite what happened. Hehehe.
  • Aries – Huwag ka muna makipaglandian kay Aries. Bukod sa may tatlong asawa at labinlimang anak na yan, hindi pa niya nabibisto ang ‘kenny’ mo at inaakala pa rin niya na babae ka. Kung sa bagay, masculado kasi ang mga babae sa lugar na pinanggalingan niya dahil sa steroids.
  • Gemini – Mapuputukan ng tatlong gulong ang Gemini Taxi sa sasakyan mo mamaya. Tapos, konting ihip na lang ng hangin eh gugulong paharap ng konti yung natitirang gulong sa metal spike na ipinakalat ni Ely Pamatong. No, hindi mo makokontrol ang wind so tanggapin mo ang kapalaran mo at tulungan mo si Manung Drayber na magkabit ng reserba. At dahil iisa lang ang reserba niya, abonohan mo muna yung tatlong gulong.
  • Taurus – Ipagbabawal na ni Mayor ang pagpapalabas ng Toro sa bayan ninyo. Pero magugulat ka na lang at magre-release siya ng Toro VCD 1, 2, 3 and so on. Paraan daw yun para kumita ang bayan niyo para mapondohan ang pagtatayo ng state-of-the-art Toro Center na may 1,000 rooms, wi-fi access, security cameras at Mini Stop sa ground floor.
  • Leo – Isang tao na nagngangalang Leo ang iniisip ka ngayon. Huwag ka na mangarap na in-love siya sa iyo. Ang totoo niyan, Leo ang pangalan ng driver ng jeep na sinakyan mo papuntang work kanina at iniisip ka niya dahil nakalimutan mo magbayad. Kung sakali mang lapitan ka niya at singilin balang araw, ito ang isagot mo sa kanya: “Distancia, Amigo! God knows Hudas not pay.”
  • Virgo – Lucky day today. Kung paano siya naging lucky, hindi ko rin alam. Minsan kasi eh hindi kami nagkakaintindihan ni bolang Kristal dahil lumalabo din minsan ang reception niya at hindi naman siya lumilinaw kahit ilang beses ko na iikot-ikot yung Baron Super Antenna na nakakabit sa kanya. Grabe, ang daldal ko. Hehehe.
  • Libra – May daya ang timbangan ng suki mong junk shop. Isipin mo yun, rebulto na ni Machete ang pinakilo mo, dalawang kilo lang ang lumabas. Eh makakabuo ka na ng pamilya kay Machete eh. Posible rin na panahon pa ng Kastila nagawa yung timbangan niya at hindi pa napatakan ng Singer Oil yung marker ng timbangan simula pa noong grand opening ng Panciteria Macanista de Buen Gusto.
  • Scorpio – Matagal pa bago sila gumawa ng Scorpio Nights 3 kaya may panahon ka pa magpaganda ng katawan para makasali ka sa cast nito. At kapag gumawa sila ng three, baka habulin pa nila ang dami ng Shake, Rattle and Roll, Mano Po o Once Upon a Time In China movies. Now I wonder, baka naman si Sam Bumatay at BJ Forbes na ang bida sa Scorpio Nights 7 ah. Sana huwag muna, mga SN 8 naman daw. Hehe.
  • Sagittarius – Habaan mo ang iyong pasensya lalo na kapag pina-spell sa iyo ang salitang “Sagittarius”. Kahit ako kanina eh hindi ko sure ang spelling at pina-edit ko pa sa Microsoft Word ang spelling niya. So yun, habaan mo ang iyong pasensya. Kung hindi mo kayang habaan, pumunta ka sa Raon at anung malay mo, baka may nagbebenta ng mga extension cord ng pasensya doon.
  • Capricorn – Matutuklasan mo ngayong araw na ito na mais o corn ang paboritong pagkain ni Ana Capri. Magkakaroon din ng corn-flavored yosi ang Capri at kapag niyosi mo yun, maga-amoy mais ang lumalabas sa rear fumigation tube mo. Hehe.
  • Aquarius – Magkakaroon ng water interruption sa bahay niyo at kakailanganin mo maki-salok ng tubig sa kabilang barrio. Huwag ka na magreklamo kung medyo mahal ang singil nila dahil flavored naman ang tubig nila. Too big for you? Maybe not. Ingat lang dahil sa dami ng asukal ng tubig na ito eh baka langgamin ka sa pagligo.
  • Pisces – Tutubuan ka ng buntot ng serena pagsapit ng full moon. Dahil diyan, magkakaroon ka ng full moon-ya. Pero, kikita ka sa nangyari sa iyo hindi dahil isasali ka na sa perya kung hindi pwede mo nang ibenta ang buntot mo ng walong piso kada guhit. Kumita ka na, napakain mo pa ng kaliskis at libag mo ang maraming nagugutom nating kababayan. Hehehe.

At siyempre, ang pinaka-importante sa lahat:

  • Lubi-Lubi – Wala lang. Enero, Pebrero, Marso, Abril, Mayo, Hunyo, Hulyo, Agosto, Setyembre, Oktubre, Nobyembre, Disyembre, Lubi-Lubi! Disyembre, Nobyembre, Oktubre, Setyembre, Agosto, Hulyo, Hunyo, Mayo, Abril, Marso, Pebrero, Enero, Bilu-Bilu!

Tandaan natin na gabay lamang ang mga ito sa mga pangyayari sa ating buhay. Tayo pa rin ang may hawak ng kapalaran natin. Tayo lang ang makakagawa ng mga bagay na nais natin gawin. At tayo lang ang makakapagdesisyon kung paga-aralin din natin sa International School ang mga anak natin tulad ng mga anak ni Manny Pacquiao.

Babushka Major!