Ito yung isa sa mga araw kung saan inaakala kong walang monumental event na mangyayari.

Pero, by some stroke of luck (at hindi ko alam kung breaststroke, butterfly, freestyle, backstroke o langgoy aso ito. Hehehe), isang somewhat special na kaganapan ang nangyari noong papauwi na ako. O sige, para masabi naman natin na interactive ang mga kaganapan dito, hahayaan ko kayong manghula kung ano ang nangyari…

Na-tuli ka ng dis-oras? Hoy! Matagal nang hindi nagja-jacket yan ano. At huwag ka, konsehal na ngayon ang nag-julie yap daza sa akin. Hahaha.

Nakapulot ka ng 500 peso bill na si Robin Padilla ang nasa harap? Hindi rin. Hindi ako nakapulot ng 500 na Robin. At kung sakaling may 500 nga na Robin, eh di punung-puno sana ng tatu yan na pwedeng mabuhay kapag nabasa ng tubig and you let it simmer for about 45 minutes. And after 45 minutes, ayan malapit na po maluto ang ating meal, ihalo na po natin ang ating kangkong strips…tapos ang balat ng rambutan, tapos…Wait lang, ano ba yan, sinung naglagay ng cookbook ng Kitchenomics dito sa taas ng draft ko.

O siya, para hindi na kayo mahirapan, ito ang nangyari: Siyempre, naglalakad ako papuntang Megamall at pauwi na. Marami akong kasabay na mga tao na naglalakad din pero hindi siya kilos-protesta, street party or what not. Ayun, umiral na naman ang pagka-flip ko at in-imagine ko na kasali ako sa isang marathon at silang lahat ang kalaban ko. Kaya, isa-isa ko silang nilampasan at kulang na lang eh may ribbon sa harap ko na mapuputol kapag nakatawid ako ng finish line.

Kaya lang, naunahan ko na ang lahat ng biglang may makasalubong ako na isang sobrang gandang girl na sa sobrang ganda eh lalagyan mo siya sa likod niya ng manila paper na may naka-collage na front cover ng magazine (ang Animal Scene ba kasama diyan sa binabanggit mong magazines? Hehehe). As in, sobrang ganda niya. Akala ko nga end of the world na dahil nandito na sa lupa ang mga anghel eh. Hehehe.

So ayun, nagkasalubong kami at biglang umihip ang somewhat malakas na hangin. Naglaglagan ang mga dahon mula sa mga puno sa gilid ng San Miguel building (yung magandang building na malapit sa Megamall, hindi yung sa may Shaw) at nilipad ng hangin ang mga petals ng Cherry Blossoms na natapon ni Ellen Nishiumi ng Oh Tokyo!

Nabighani si beautiful girl sa mga naglaglagang dahon at ako naman eh nagwali ng mga nagkalat na dahon dahil anung malay niyo, baka may dahon dun na pwede pang ipang-langgas sa pigsa. At saan kamo ang pigsa? Hehehe, saan pa eh di sa puso ko dahil nagsumiksik si beautiful girl doon. Cheesy. Oh well, doon niya ako nasimulang pansinin, inilapit niya ang kanyang labi sa aking lips at isasagawa na namin ang aming unang…

Shet, manong driver, dahan-dahan naman sa pagmamaneho, muntik na akong masagasaan sa pagtawid oh. Pero wait lang, gosh, nangangarap ako sa gitna ng Julia Vargas. Oh kaya niyo yun, mangarap sa gitna ng kalsada na hindi nasasagasaan? Hehehe.

Oh well, pawang kasinungalingan ang mga nasa taas. Pero, pwede na ba akong writer ng tagalog pocketbooks na ipinarerenta ng inyong suking tindahan at kapag naibalik na eh may highlight na yung ibang linya. Teka, gumagawa rin ba ng book report ang mga kasambahay natin? 12 pt, Times New Roman, double space din ba ang format nila? Hehehe.

So ayun, nakasalubong ko si beautiful girl. At yung mga tipo niya ang nakikita mo sa TV, magazine, lifestyle page ng diyaryo, cable, radyo (radyo, nakikita? hehehe) at billboards sa Guadalupe na pwede nang ipantayo ng bahay ng limang barangay. Inisip ko kaagad kung sino siya. Nag-50-50, phone a friend, ask the audience at buy a vowel na ako pero hindi ko maaalala kung sino siya nang biglang sa likod ko eh may isang girlalu na biglang na-excite dahil nakita din niya si beautiful girl.

“Oh my, si Riza Santos yun ah!”, ito ang nabanggit niya habang hinawakan niya ang polo ng kasama niyang guy sabay kitang-kita sa face niya ang sobrang katuwaan dahil abot anit ang ngiti niya. Hehehe. At siyempre, doon ko na lang naaalala na, shocks, si ex-girlfriend, este ex-housemate sa Bahay ni Kuya nga pala yun. At ito yung mga pagkakataon na naiisip ko na sana pwedeng mangyari ang “kung maibabalik ko lang ang dating ikot ng mundo” line ni Regine Velasquez.

Wow, nakakapagtaka, nakita ko si Riza Santos (hindi ko alam ang tamang spelling pero yung kay Will DeVaughn at Victor Basa alam ko. Uyy, ikaw ah! hehehe) hindi sa loob ng isang mall o isang bar. Ayun sa mismong kalsada at walang shooting. As in, naglalakad siya mag-isa, nakasuot siya ng all-white na outfit, shades at may dala-dala siyang kulay pink na bag na ang design eh ka-hilera ng mga Pucca or Ahiru No Pekkle. Hehehe.

Pero naglalakad ang isang tulad niya ng mag-isa? Hindi naman siya si Snooky Serna na nagje-jeep na lang. Imposible naman sigurong naubusan siya ng pamasahe o nag-aapply siya ng trabaho dun. At dahil diyan, nagkaroon muli ako ng mga teorya kung bakit siya nandun:

  • Hinahanap si Will – Hindi naman na bago sa atin ang namuong cheverlou nila Risa at Will Devaughn sa loob ng bahay ni Kuya. Naging saksi ang mga manonood at mga nagkokontrol ng kamera sa PBB house sa naging magandang pagtitinginan nilang dalawa. At ayun, nag-text daw kanina si Will sa kanya at ang sabi eh “Nand2 me sa Ortigas.” So, pinuntahan ni Risa si Will at tsaka lang niya nalaman na malaki pala ang Ortigas. Kaya nilakad niya ang buong Ortigas in search for the treasure of her heart.
  • Nagbebenta ng dried mangoes – Aba anung malay natin. Baka isa siyang self-supporting college student na walang pang-tuition at puro dried mangoes ang laman ng bag niya. Pero, hindi naman siya namimigay nung maliit na sulat eh. Pero pwede rin na nakaubos na siya at nakaipon na siya ng sapat na pera para makapag-Berklee School of Music. At kapag pumasok siya doon, gagawa siya ng mga kanta na may pamagat na “Katas ng Mangga”, “Nang Dahil sa Mangga, nais kong mag-aral” at “Mangga Ka Day” Hehehe.
  • Nagpa-practice para sa Amazing Race Asia – Hindi natin alam, baka bet pala nila sumali ni Will doon. Tapos, doon mabubuo ang kanilang affection sa isa’t isa. Oh di ba, may utang na loob pa ang Amazing Race sa kanila dahil hindi lang karera sa buong mundo kung hindi karera para sa puso ang nabigay nila. Kaya ayun, nagsasanay siya maglakad, mag-navigate at magdala ng backpack.
  • Tumakas mula sa mga bodyguard – Posible naman na may mga bantay or handler siya kaya habang tulog sila, tumakas siya upang ma-explore ang mga simpleng kasiyahan ng buhay tulad ng paglalakad, pagtambay sa mall para ma-aircon-an at pagkain ng Hong Kong Style Noodles nang walang sauce. Hehehe. At pagkatapos, mai-in love siya sa isang tsuper at tututol ang mga magulang niya dito pero magwawagi din siya sa huli at sa final scene ng episode, siya na ang konduktor ni tsuper at nakasabit siya sa likod ng jeep habang kinukuha niya ang mga bayad ng pasahero at nagkikindatan sila ni tsuper via the rear view mirror. Hehehe.
  • Hula factor – Pwede rin na nagpahula siya sa mga manghuhula sa Quiapo tungkol sa makakatuluyan niyang lalake at bumili ng Pampa Regla na nasa lapad na lalagyan ng Tanduay. Hehehe. Pero, ang sabi ng manghuhula: “Nasa Ortigas, Pasig ang solmeyt mo. Kalbo, naka-Cayman Islands na shirt, maong pants at white Banana Republic shoes.” Aba, what a coincidence, yun ang suot ko kanina. At grabe ka mang-akusa na binayaran ko yung manghuhula. Nilibre ko lang kaya siya sa Jollibee. Hehehe.

Pero anu pa man ang dahilan, astig pa rin isipin na nakakita ka ng artista sa personal. Kahit si Flora Gasser pa yan, artista pa rin yan. Shocks, sana pala nagpa-picture ako. Tapos, lalagyan ko yung picture namin ng border na parang sa Neo Print. Pwede akong mamili sa border na korteng puso o yung may mga sisiw na nakapaligid. Hehehe.

Babushka Major! (at shet, ang haba nito. Pwede niyong sunugin ang bahay ko after you read this. Hehehe)