Magandang araw sa inyong lahat. Maganda nga ba ang araw niyo o hindi? Kung hindi, aba magpaganda ka. Hindi mo ba alam na darating mula sa Saudi si Mister ngayon? Oo, ipapakilala na niya yung mapapang-asawa niyang Arabo na amoy langis. Hay naku, kung imbiyerna ka dun sa girl na yun, subukan mo kaya siyang liyaban. Aapoy siguro yun. Hehe.
Siya nga pala mga tita, narito tayo sa ating programang “Problema Mo, Problema Ko Rin”. Grabe naman mga giliw na nakikinig, ang dami niyo nang problema sa life! Sa susunod, huwag kayong tatawag-tawag dito kung assignment lang ni Junior ang tatanungin niyo dahil Knowledge Power lang ang makakasagot nun. Ang aking lang eh mga love problems, social problems, major problems, problem solving at identifying the problem sa scientific method. Hehehe.
O bueno, may sumulat sa atin via snail mail mga kaibigan. Kawawa naman ang Pinoy na ito dahil parang hindi pa napasok ng kompyuter, internet at e-mail ang buhay niya. Dahil diyan, mananawagan na ako sa mga may mabubuting loob at tira-tirang computer na bigyan niyo naman siya kahit 5 MB lang ang storage.
Anyway, aba English yung anyway ah, ayos! Hehehe. O siya, anyway, aba English ulit! Kita niyo na, nagbebenefit din po yung pag-sit in ko sa mga English classes ng mga Koreano dahil natutunan ko na ang ‘anyway’. Ayan, siya nga pala, galing sa Nueva Ecija ang sulat natin sa araw na ito at ang pangalan niya eh Kyowa. Heto po ang kanyang liham:
“Dear Ate Atchara, kapag nabasa niyo ang sulat na ito ay malayo na ako. Alagaan mong mabuti ang mga anak natin lalo na si bunso. Hindi siya kumakain ng Cerelac lang at dumedede ng S-26. Maselan ang katawan niya kaya kailangan imported ang foods niya. Hindi ko ginustong umalis pero mayaman, hindi sakang at nanood ng Oh Tokyo ang Hapon na may gusto sa akin.”
“Ay wait, sensya na Ate Atchara, nadadala kasi ako ng pinapanood ko eh. Biruin mo, nagsasalita yung sulat? Saan ka pa? Anyway, isang malugod na pagbati. Ako po si Kyowa Rice D. Spencer mula sa bayan ng Nueva Ecija. Nagkakamali po kayo kung inaakala niyong kamag-anak ko sina Jackie Rice o Spencer Reyes pero isang US Marine ang aking ama.”
“Pero, kebs ko na kay tatay. Masaya na kami ni nanay dito at sulit na kami sa pinapadala niyang karton ng canned goods, damit, tsokolate at mga kurtina kada buwan. Ang sulat pong ito ay tungkol sa aking nyorwa na si Kyorli Gasbi. Naging masaya po ang mga unang yugto ng aming pagsasama. Hahahahahahahahaha, ganyan po kasaya. Pero nitong mga nakaraang araw, inuubos na po ng NFA ang kanilang lahi ng mga bigas kaya po hindi na po nalalayo ang araw na iiwan niya na rin ako at maiimbak na siya sa bodega.”
“Hindi ko po alam ang gagawin ko. I feel empty kapag wala siya. Mahirap naman po maghanap ng kapalit niya dahil ubos na nga po sila. Tulungan niyo po ako, in cash or in kind po ayos na. Pero kung mahahanap niyo po siya, maga-alay po ako ng itlog sa Santa Clara bilang pasasalamat. Malugod na sumusubaybay, Kyowa.”
ATE ATCHARA: Alam mo Kyowa,….(pansamantala po namin pinuputol ang palabas na ito dahil ginawang origami ng anak ng aming direktor ang mga film strips naming. Pero in fairness, ang ganda ng ginawa niyang swan ah)
Hay naku, hindi na natin sana hinayaang umabot pa sa ganito ang krisis sa bigas mga kaibigan. Kung lumala pa yan, mapipilitan ang lahat ng Pilipino na sumali sa mga pa-raffle ng mga PTA ng mga eskwelahan tuwing Family Day dahil mga sako ng bigas ang consolation prize nila.
At dahil pa sa krisis na yan, may nagtatago na ng mga stock ng bigas sa mga warehouse. Kumita lang talaga ng malaki kahit magutom ang iba. Diyos ko, eh bakit hindi na lang nila ipagamit ang mga bodega nila sa mga film companies na gumagawa ng action movies. Hindi naman nawawala ang bodega sa pelikulang ganun, di ba? At kapag ganun, kumita ka na, nakapagpapirma ka pa ng Exped Socks kay Ronn-Rick. Hehehe.
Pero seryosong usapan, hindi biro ang nakaambang rice shortage na ito ah. Kaya heto ang mga paraan upang makatipid tayo sa bigas:
- Magpaka-Amerikano na tayo. Yung kakain tayo ng walang kanin, puro ulam, tinapay or kung anu pa. Or kung gusto mo, mashed potatoes na lang ang gawin mong kanin. Kung ayaw mo pa rin ng mashed potatoes, ube halaya na ang gamitin mo. At kapag gumamit ka ng ube halaya, tanga ka???
- Iwasan muna natin ang pagluluto ng lugaw o goto bilang meryenda, tangahalian, hapunan o kung ano pa. Kung manager ka ng isang team sa mga liga ng basketbol ngayong panahon ng tag-araw, maawa ka naman sa players mo. Sarap-sarapan mo naman ang handa at hindi puro lugaw. Magiging lugaw din ang performance nila niyan eh.
- Iwasan din po natin ang pagluluto ng am ng bata. Hangga’t maaga pa, crispy pata, chicharon, isaw at lechon na ang ipakain natin sa kanila. Ok lang kumain ng mga ganun basta titira ka ng isang banig na Liveraide pagkatapos. Hehehe.
- Hangga’t maaari, huwag po muna tayong maghanda ng bico para sa banda musiko ng fiesta. Huwag din tayong gumamit ng bico sa mga atang para sa mga namayapa na. Sawang-sawa na din po sila sa bico dahil taon-taon na lang eh yun ang hinahanda niyo sa kanila. Why not try fruit salad? Pero remember, dapat Nestle Cream ang gamitin or else, ibabalik nila yan sa inyo, Tupperware and all. Hehehe.
- Tigilan po muna natin ang pagkain o paggawa ng rice cakes. Kung rice cakes ang balak mong ihanda sa birthday ng anak mo, mahiya ka naman. Ang mabuti pa, mag-text ka na lang kung ano ang gusto mong party package ni Baby James at baka manalo ka rin ng same package. Ano ba naman yung iuuusog mo sa summer ang birthday ni Junior na December 31, di ba?
- Kung follower ka ng South Beach Diet o ng Matabungkay Beach Diet, panahon na para ipasa mo sa iba ang diet mo. Ipahiram mo yung kopya mo niyan or ipa-xerox mo ng maraming kopya yung libro, ipa-bind mo at ibenta mo sa mga tao. Samahan mo na rin ng mga libreng pakete ng salad shake ang libro at two round-trip tickets papuntang South Beach (kung meron ngang South Beach. Hehehe)
- Tiisin mo muna na huwag um-order ng extra rice. Pero kung kulang talaga ang kanin, aba mag-baon ka na lang ng sarili mong kanin. Kawawa naman ang mga mauubusan ng kanin sa karinderya.
- Huwag kukuha ng kanin kapag mainit pa ang kaldero. Baka mabitawan mo lang yan at maitapon mo yung kanin. Sayang yan at mapapakain mo na ang mga malnourished sa Africa niyan. Oh dib a, ayaw mo nun, UN Ambassador for Bigas Affairs ka! Bongga!
Siyempre, marami pang paraan para makatipid sa bigas. At speaking of bigas, namimigay po pala ang SOCO ng mga libreng bigas sa lahat ng kanilang branches nationwide. Hindi po NFA Rice ang pinamimigay nila. Mas magandang klase po ito dahil zero fat at may Omega 3 po ito. At ang bigas na tinutukoy ko ay ang Gus Abel-bigas. Hehehe. Sok-o! Sceneofthecrime…..o-peh-ratives! Hehehe.
Babushka Major!