Hanggang ngayon, hindi ko pa rin maarok ang mga kaganapan kaugnay sa blog ko sa mga nakaraang araw. Grabe, biglang bumulusok ang ratings ko pataas (at walang daya yan dahil hindi naman ako namimigay ng goodies sa mga blog readers sa Iloilo at Bacolod. Hehehe) dahil sa mga tagahanga nila Riza Santos at Will Devaughn. Muli, nagpapasalamat ako sa inyo.
At dahil diyan, hindi po ako masyadong naghanda (sabay labas ng papel): “Maraming salamat po sa KAPP, Screen Writers Guild, MMFF, Famas at Oscars Obligacion Awards. As I walk this stage on this final night, my hamstring is not 100% so I won’t be walking but flying to the air while singing “Ang mga ibon na lumilipad ay gawa ng Diyos, di kumukupas.” I thank you, bow”
Siya nga pala, WillRiz fans, tulungan niyo naman ako makausap ang super crush ko na si Riza. Kahit through telegram, Morse Code o pisi na may mga lata sa magkabilang dulo lang, masaya na ako. Or, pwede din si Will Devaughn. Basta ba dadalhan niya ako ng maraming Rice Burger. Oh my, mukhang malabo yun kay Will dahil may rice shortage nga pala tayo. Haay, pangarap ka na lang ba o magiging katotohanan ba?
Anyway, tutal eh nabanggit na rin lang natin si Riza Santos (at swear, hindi magiging unofficial blog/fan site ito, ok? Pero kung may padulas, pwede. Hehehe), sino ba naman ang hindi magsasabi na hindi siya model material? Ayan na nga ang kabi-kabilang endorsement deals para sa kanya at kulang na lang eh kunin din siyang endorser ng Arthur’s Barong, King Phillip at Buntis (ay huwag naman muna, natutunaw pa akong nakikita siya sa TV eh. Hehehe)
At saan ka pa nakakita ng fashion model na marunong humawak ng AK47, Carbine, Steyr Aug, Double Berretta, Gloc 9 (may baril na gloc, di ba, pero meron bang Gloc 9? Siguro mabilis pumutok yun. Hehehe), Howitzer, Machine Gun, Toy Gun, Water Gun at Ronald-Gun Ledesma (disregard this, ok? Hindi po baril yung huli. Hehehe). Dahil diyan, pwede mo siyang imbitahin sa mga shooting competitions at tiyak sa dami ng participants eh pwede na natin labanan ang China para sa Spratlys. Hehehe.
Pero, hindi yan ang point ko, ladies and gentlemen and those in between the two. Ok, so ito yun: Hindi ba nakakahuli din ng mga “kriminal” ang mga sundalo. Kriminal on a larger scale lamang dahil hindi ito yung mga tipo ng kriminal na nanaksak ng kapwa pedicab driver dahil sinangge daw yung bente-singko sentimos niya kaya natalo siya sa Cara Y Cruz.
Usually, mga political or worldwide na kriminal ang tinutugis nila. Simply put, para silang si Shaider na tinutugis si Joker (HUH!? Hehehe). At muli, naging makulit na naman ang utak ko (as in, para siyang sumisipang sanggol sa loob ng sinapupunan kung lumikot). Hindi ba sa mundo ng fashion eh iginuguhit muna ang mga disenyo? At sa pagtugis ng mga kriminal eh kailangan din ng artist’s sketch?
Hmm, sounds good to my ear, Coffeemate in my coffee, makes sense to me! What if pagsamahin natin ang dalawang mundong ito na sa sobrang magkalayo eh, ayun, wala lang, magkalayo sila. Hehehe. At batay sa aking pag-iisip, ANO KAYA KUNG…ANG GUMUGUHIT NG ARTIST’S SKETCH NG MGA KRIMINAL EH MGA FASHION DESIGNER?
- Siyempre, hindi pwedeng mukha lang ng tinutugis ang ido-drawing nila. Sasamahan na rin nila ng mga kanilang Victoria Court Secret 2008 Spring Onion Catalog design yan. So, huwag kayong magtaka kung sa mga news program eh maglabas sila ng mga artist’s sketch ng mga kriminal na may nakadrawing din na mga gown, formal coat, gown na may ruffles, formal coat na may ruffles, etc. At, ang catch nun, maliit lang ang mukha dahil mas emphasized sa sketch ang disenyo. Hehe.
- Hindi basta-basta ido-drawing ng fashion designer ang artist’s sketch. Kailangan niya munang makahanap ng inspiration. And to find inspiration, kailangan niya munang maglakad ng mag-isa sa dalampasigan at damhin ang hanging amihan bago siya mag-drawing. Well, yun ang priority nila pero on the lookout na rin sila for potential models doon kaya nakahanda din ang calling card nila na professionally designed din. Imagine? Hehehe.
- Kapag ilalarawan na ng saksi ang itsura ng mga suspek sa krimen, siyempre isasalaysay niya ang itsura ng mga mata, mukha, bibig, ilong at kulangot ng suspek. Of course iguguhit siya ng fashion designer/artist to the police (I love it, artist to the police. Parang ka-level lang niya ang ‘cosmetic surgeon to the stars’. Hehehe) pero tatanungin niya kung anung height, body type at appeal ng mukha niya. Kasama na rin diyan kung broad ang shoulders niya, kung balingkinitan siya at kung wala pa siyang handler/talent agent. Hehehe.
- Technically, walang tama o mali sa mundo ng fashion. Pero, may mga guidelines at theories din naman sila na sinusunod. Kaya kung matapos mong i-describe ang suspek na kamukha ni Paquito Diaz at noong nai-drawing na ni artist eh naging kamukha na siya ni Joko Diaz, sorry pero yun ang form of expression niya. Yes, form of expression, not in binary form, hexagonal form, form 137 at form two lines.
- Matapos ang drawing, iko-konsulta muna ni artists ang kanyang nai-drawing sa mga amiga or amigo niya sa mundo ng fashion. For that, baka nasa Burkina Faso na yung suspek eh hindi pa rin naaaprubahan ng mga consultant ni artist ang drawing niya. Kesyo kulang sa ruffles, kulang sa tela at kulang lang sa pansin ang drawing niya. Kaya naman, pansinin natin siya. It can make his life better (A message from Caritas Manila and this station. Hehehe)
- But on the bright side, kung mangyari man ang ganitong scenario, hindi na lang sa mga news programs mo mailalabas ang artist’s sketch ng mga suspek. Ano ka ba, hello!? Anung ginagawa ng Fashion TV, mga self-improvement programs, Cora Doloroso, VH1 at website ng Victoria’s Secret. Mas mahuhuli na ang criminal dahil worldwide na ang broadcast ng fez niya (unless nakalipad na siya to Mars. Hehe)
- But then again, may intellectual property kyemeru pa pala sa mga isyung ganito kaya baka hindi lang Burkina Faso ang marating ng suspek sa pagtakas niya. Baka nakabalik na siya ng Pilipinas at lumipad ulit patungong Burundi eh tsaka pa lang magsisimula ang manhunt operations para sa kanya. Teka, manhunt? Fashion designers? Ohhhh! (pero hindi lahat ah, gets mo? Hehehe)
- Pero, kapag nahuli yung mga suspek gamit ang artist’s sketch na gawa ni fashion designer/artist, aba eh dream come true na ito para sa kanya! Matutuloy na niya ang inaasam niyang fashion show with this new collection. Kaya lang, sa loob nga lang ng preso pwedeng gawin ito. But then again, imagine, isang bruskong lalake na tinalo pa ang mga pader ng Maynila sa dami ng vandal sa katawan at nakasuot ng venus cut na gown dahil yun ang idinrawing na damit niya ng fashion designer. Ahahay, gora na tayey sa precy marie, mga vekla! Hehehe.
- At siyempre, bilang panghuling punto, may signature ng artist yung ginawa niya at may kasamang date at oras pa yun (nyeta, parang old-school photo lang na may “3/16/99 05:33:27 PM” sa lower right hand corner ng picture ah. Hehehe). Hmm, cool siguro kung fashion designer/artist si Mikee Cojuangco-Jaworski dahil gusto ko ulit makita ang pirma niya na may kabayo sa dulo. Hehehe.
O saan ka pa, pwede naman pala natin pagsamahin ang mundo ng krimen at fashion (DI NGA?). Pero, hindi ba may ‘fashion crimes’ naman talaga? For that, ano kayang ikakaso mo sa mga nagkakasala ng ‘fashion crime’? “Illegal possession of baduy outfit”? Pwede siguro. Or why not “Grave misconduct of your unacceptable by socialites outfit”? Parang mas mabigat na kaso yun ah. Hay naku, ano pa man ang mga krimen na yan, mas maganda siguro kung magpre-presenta ang mga fashion designers natin ng kanilang designs kung paano mapapaganda ang mga orange suits ng mga preso. Malay niyo, balang araw eh orange tube at micromini na lang ang sinusuot ng mga preso at ang “P” sa likod eh ginawa na lang na embroidery.
Babushka Major!