Disclaimer: Reproduction, Distribution, Condensation and Evaporation of this story is punishable by Law-rence. This cannot be used in any other form, solid, liquid, gas or plasma without the permission of the writer. In short, bigyan mo lang siya ng kendi, ok na. If symptoms persist, consult your doctor.

Once upon a time, and time was brought to you by Mapagbigay Pawnshop (ang ponshap na madaling ma-holdap), naglalakad ang isang lalaki sa isang mall, este tiannge, ay mall, este tiangge. Patingin-tingin siya sa magkabilang direksyon ng lugar na animo’y talent agent na naghahanap ng maipapadala kay Mr. Yamamoto sa Japan.

Pero, hindi pala ang mga tao ang tinitignan niya. At hindi rin ang mga bruskong lalake na nagxe-xerox for a living ang epols of his eye, mga bakla. Naghahanap siya ng makakainan. “Oh my, kumukulo na ang tiyan ko! Saan kaya ako kakain na wala pang option ng half-rice,” wika ni Guy. At hindi po si Nora Aunor ang guy na ito.

Natigil ang kanyang paglalakad sa isang basurahan. Natuwa siya dahil nakakita siya ng mga tira-tirang pansit, hotdog, lugaw at balat ng mangga doon. Naisip niyang kunin ang mga iyon at kainin nang may nagsalitang isang boses mula sa langit. “Hoy, tanga ka? Huwag mong kainin yan. Obvious ba?”, sabi ng isang karpintero na naga-ayos ng bubong ng mga tiangge. Aba, kaya pala galing sa langit ang boses.

Naglakad siya ng naglakad hanggang sa makita niya ang isang kainan na may pangalang Lola Lita. Nagdalawang-isip si Guy kung dito siya kakain dahil may plato, kutsara at tinedor kasi sila dito. Mas gusto niya kasi yung nasa plastik lang ang pagkain at kutsara ng sweet corn ang ginagamit niya.

Ngunit sa tinagal-tagal ng pagtatalo ng kanyang id, superego at ego, pinili din niyang pumasok sa kainan. Doon, sinalubong siya ng isang masayang crew ng kainan na naglabas pa ng party poppers, confetti, crepe paper at torotot dahil trip trip lang nila. Mabuti na lang at walang sinapak si Guy at nasa mabuting mood siya. Kung hindi, blotter na naman ang bagsak niya.

Umorder si Guy ng kanin, ulam at gulay na nilagay ng attendant sa plato na pwedeng gamitin sa pag-aaral ng geometry (basta, yung plato na may lalagyan para sa ulam at kanin, yun. May circle at line segments kasi siya eh. Hehehe). Inabot ng attendant ang order ni Guy. Kinuha naman ni Guy ang plato. At kung inaakala niyo na hinawakan ni Guy ang kamay ni attendant habang malagkit ang pagtitinginan nila, nagkakamali kayo.

Nang magbabayad na sana si Guy, laking gulat niya sa nakita niya. Hindi sikat na artista ang nasa cashier ng kainan kung hindi isang napakagandang babae na artistahin ang itsura. Hindi makapaniwala si Guy sa kanyang nakita at baka ito ay ilusyon lamang na dala ng pagkakabara ng muta sa mata niya. Pero hindi, totoo talaga siya. Pinunas pa ni Guy ang panyo niya na parang rebulto lang ng santo si girl (sana lang totoo to. Hehehe)

Pumasok sa imahinasyon ni Guy na siya ay isang prinsipe at ang nakasuot ng magarang damit ang kanyang prinsesa…na may cash register nga lang sa harap niya at some lalagyan na may mga binebentang bracelet at Theological Digest. Nais i-alay ni Guy ang pagkain niya dahil tumibok ng husto ang puso niyang puro cholesterol nang makita niya ang babae ngunit isa lang ang nasabi ng magandang babae.

“87 pesos po lahat”

Nalungkot ng kaunti si Guy ng maiabot na niya ang kanyang bayad kaya nag-isip siya ng paraan para tumagal pa ang pagtitinginan nila ni cashier girl. “Hmm, ano kaya kung kunwari nahihirap akong mag-isip ng bibilhin kong inumin pero alam ko na talaga ang bibilhin ko?”, sabi ni Guy.

At gayun nga ang ginawa niya. Kunwari ay nahihirapan siyang pumili sa C2, Lipton Red Tea, 7 Up at Pepsi pero Pepsi talaga ang bibilhin niya. At habang pumipili siya, animo’y nasa loob din si Tootsie Guevara dahil panay ang sulyap niya kay cashier girl. Pasulyap-sulyap pa kunwari, patingin-tingin sa akin, di maintindihan ang ibig mong sabihin.

Binayaran na ni Guy ang Pepsi, umakyat sa ikalawang palapag upang maghanap ng libreng table at kumain. Habang kumakain siya, naririnig niya ang mga silver bells na nasa hill, ang jingle bells, door bells at anna bells rama at inimagine na si cashier girl ang nasa harapan niya, sinusubuan niya si girl habang sinusubuan din niya si Guy. Kasama na rin sa pagi-imagine niya ang pagpupunas ng mga ngiwngiw sa labi kapag meron at ang pagpupulupot ng mga braso habang umiinom sila ng Pepsi (ang bilis naman, pulupot-braso kaagad?) at ang kurutan, lambingan habang gumugulong sa damuhan at habulan sa Tagaytay Picnic Grove.

Sa gitna ng mga iyan, nakalimutan ni Guy na kailangan pala niyang kumain. Nagmistula nang ice drop sa lamig ang kanin kaya binilisan na lang niya kumain. At lalo pang natigil ang pagiimagine niya ng may naki-share ng table sa kanyang some onders na merla na kamukha ni Lola Madonna (kung hindi niyo kilala si Lola Madonna, watch Mel and Joey more often. Hehehe). Aba, mahirap nga naman mag-imagine ng Ehra Madrigal kung si Flora Gasser ang nasa harap mo. Hehe.

At natapos din sa pagkain si Guy. Sumulyap pa ulit siya kay cashier girl at umalis. Pero hindi pa iyon ang huli nilang pagkikita. Hindi pa, hindi pa. Pero sa ngayon, farewell to you my friend, we’ll see each other again. At grabe ang chaka ko magsulat ng ganito. Hehehe.