Naintindihan niyo ba yung title ng entry na ito? Kung naisip niyo na tungkol nga sa tax o buwis ang sulatin na ito (na nakasulat sa isang formal theme notebook na tsetsekan with a red ballpen ng aking guro sa Pilipino), aba eh tama kayo. Aminin natin, walang tao ang hindi naaapektuhan ng tax. As in wala. Mga estudyante, kung wala lang nito, mas mataas siguro ang allowance niyo (at mas marami kayong nabibili na Trump Cards, picture ni Miss Belgium, Miss Universe 1994 sa halagang 10 pesos at gagamba. So 90s! hehehe). At yung mga mayayaman, natatakasan ito o di kaya eh yumayaman sila dahil dito (mamahagi naman kayo!).
Haay, buti sana kung lahat nga nito eh napupunta sa mga proyekto sa ating lugar. Pero sa paglipas ng panahon eh parang sa waiting shed, basketball court at malalaking karatula ng politiko na may smiling picture pa niya na halatang pinotoshop dahil makinis ang fez niya lang napupunta ang tax natin. Kaya lang, obligado tayo magbayad. Di ba ang pangit na lang nun: Kapag nagbayad ka, talo ka. Kung hindi ka nagbayad, talo ka rin. Bansa talaga tayo ng talunan, oo. And for that, nangagalaiti pa rin ako kung bakit hindi nanalo si Miriam Quiambao noon. Ikaw na kaya ang madapa at bumangong muli, literally. Hehehe.
Pero huwag ka, marami pa rin ang nagbayad ng income tax ngayon dahil last day nga naman ng bayaran. Tayo talaga oo, mahilig sa last minute. Kaya siguro hindi nawawala sa mga pelikula yung eksena kung saan nakakapagsalita pa ng ten-page script ang isang bed-ridden na aktor o aktress na obviously eh minuto na lang ang ilalagi sa mundo (o sa storya ni direk. Hehehe). Hmm, ano kaya kung gawin ng BIR na i-announce nila na Thursday ang last day ng bayaran pero ang totoo eh Friday talaga. Oh di ba, ang laking ginhawa sa kanila nun. Sa totoong last day ng bayaran eh hindi nila maririnig ang tunog ng mga stamp nila? Hehehe.
Hindi lang yan, may pakulo pa talaga ang BIR para hindi mainip ang mga tao sa paghihintay sa pila ng pagbabayad (or more like pila ng paghuhukom. Hahaha). Nandiyan ang libreng tubig, kendi, live band at kung anu-ano pa. Pero kung tutuusin, isang pakulo lang naman ang makakapagpawala sa inis ng mga tao eh: Libreng tax! Ano ba naman yung magpa-raffle sila at ang sampung mabubunot eh hindi na kailangan magbayad ng tax. Aba, mainam ito ngayong panahon na mahal na ang mga bilihin.
Or better yet, gayahin na lang nila ang format ng “Itaktak mo o Tatakbo”. Bibigyan nila ng mga number ang nakapila, bubunot sila ng sampu at paiikutin nila ng roleta kung saan naka-specify kung magkano ang ibabawas sa kanilang tax. So sa roleta, merong “10% off” hanggang “100% off” na slot at kapag na-Butata ka (sabay tunog ng utot, ewwwwnnnkkkk!), as is ang bayad mo. At siyempre, habang iniikot ang roleta, sumasayaw ang EB Babes at kumakanta si Allan K ng back-up vocals version ng chorus ng “Itaktak Mo”. Oh di ba, talk about pagtanggal sa inip, di ba? Hehehe.
O siya, so much for that. Kaya speaking of taxes, sinuyod ng mga miyembro ng Census of Timor Leste (or CenTimo) ang bawat kabahayan sa kamaynilaan (diyan naman tayo magaling eh, diba nga nag-hire ang government ng isang private detective chovanes na imported? Hehehe) kung anong tax ang pinakamabigat para sa kanila na dalhin. Ito yung tax na sa tingin nila eh grabe ang epekto sa kanilang buhay. Ito rin ang tax na hindi nila kayang mabuhay kung wala (Aw, ang sweet! Hehehe) At ito ang kanilang mga sagot:
- Commuters — TAX-i cab (parang tax na rin daw ang rate ng flag down. Tapos kumadyot lang yung taxi, dagdag 2.50 na sa bayad. Dapat sa itsura na lang dinadaan ang bayaran. Kapag mas nakakaawa tignan, mas mura ang bayad. Hay finally, may advantage din ang tulad ko sa mga Likas Papaya-bathed and Calayan-enhanced guys and gals diyan.)
- English Teachers — syn-TAX (Sobra daw ang epekto nito sa kanila. Ang hirap daw kasi turuan ng proper arrangement of words ang mga Pinoy. Aba, hindi yata ah! O ito sample: I it my mother always. She went go to parking da car en da tabi-tabi. Oh di ba, ferpect English? Pero kahit na, kailangan daw i-address ng pamahalaan ang TAX nilang ito. Kung hindi, mas lalo nilang lalaliman ang mga english words sa privilege speeches ng mga Senador at sa script ni Mico Halili.
- Estudyante — Thumb TAX (nagtataka ba kayo kung bakit? Well, kailangan pa nga i-explain talaga to. Hehehe. Ganito kasi yan: sino ba naman sa mga estudyante ang hindi nakaranas na ayusin ang bulletin board. Ang homeroom adviser pa nga ang nag-aasign sa mga batang gagawa ng bulleting board na mistulang isang mural lang ng mga crepe paper at cartolina. And, mahalaga ang thumb taxpara mapagsama-sama ang mga makukulay na papel na ito. Kadalasan, malalaman mo ang personality ng nag-aayos ng board depende sa designs. Kung medyo maraming flowers, dinggalers ang production designer, kung parang grafitti lang, lalake yun. Kaya mahalaga ang thumb tax sa mga estudyante dahil hindi sila mananalo sa mga bulletin board contest ng kung anu-anong week na pakulo ng eskwelahan. At dahil diyan, hindi sila makakapag-uuwi ng tig-iisang piraso ng nougat for all their hard work)
- Scientists — TAX-onomy (Mahalagamus saus mgaus scientipikus angus mgaus pangalanus ngus mgaus specius naus gumagalawus saus atingus mundous. Kayaus kungus gustous mongus bigyanus ngus nameus angus iyongus kaawayus naus mukhangus pekingus manus orus homous habilisus, silaus angus lapitanus mous. Getus?)
- Polygamous — TAX – sil (Need I say more? Ayon sa statistics, 100% daw ng mga polygamous eh may more than one na kulasisi, kalaguyo, kabit, kinakasama, kapritso, kalantari, kamatis, kalabasa, karne. Hehehe.)
- Born-again — Tax-ang Tax-ang Kung hobby mo manood ng mga programa ng pangaral ng mga born-again o ibang relihiyon na gumagamit ng bibliya, imposibleng hindi nila gamitin ang salitang ito. Hindi talaga bulto-bulto, grupo-grupo o saganang-sagana ang ginagamit nila. At pagdating sa offering, aba, doon mo na mararanasan ang feeling ng nagbayad ng tax, or should I say taksang-taksang tax (oh di ba, pwede nang tongue twister yun! Sige nga, ulitin mo ng 100 times? Hehehe)
At ang tax na naapektuhan talaga ang lahat:
- Galit na tao — BUWIS-it! (Kapag pinagsama-sama mo ang lahat ng tax, ito na lang ang masasabi mo. At siyempre, wala kang magagawa dahil kailangan mong bayaran ang mga ito.)
Babushka Major!